عبداللطيف ادواردو آرسئو · Filipino

١.O kayong sumasampalataya! Huwag ninyong gawin ang inyong sarili na manguna sa harapan ni Allah at sa Kanyang Sugo, datapuwa’t pangambahan ninyo si Allah. Katotohanang si Allah ang Ganap na Nakakarinig at Ganap na Nakakabatid sa lahat ng bagay
٧.At inyong maalaman na sa lipon ninyo ay naroroon ang Tagapagbalita ni Allah. Kung kayo ay kanyang susundin sa maraming mga bagay- bagay (alalaong baga, sa inyong mga kuru-kuro at hangarin), katiyakang kayo ay malalagay sa kaguluhan. Datapuwa’t si Allah ang nagtanim ng pananalig sa inyo, at ginawa Niya ito na maganda sa inyong puso, at ginawa Niya na inyong kamuhian ang kawalan ng pananalig, ang kabuktutan at paghihimagsik at hindi pagsunod (kay Allah at sa Kanyang Tagapagbalita). Sila sa katotohanan ang mga tumatahak sa kabutihan
٩.At kung ang dalawang pangkat sa lipon ng mga sumasampalataya ay humantong sa isang tunggalian, kung gayon, payapain ninyo sila sa isa’t isa, datapuwa’t kung ang isa sa kanila ay lumampas sa hangganan ng pagmamalabis laban sa isa, kung gayon, inyong labanan ang nagmamalabis hanggang sa sila ay makasunod sa ipinag-uutos ni Allah. Subali’t kung sila ay sumunod, kung gayon, kayo ay makipag-unawaan sa kanila ng may katarungan at maging pantay sa katarungan, sapagkat katotohanang si Allah ay nagmamahal sa kanila na makatarungan
١١.O kayong sumasampalataya! Huwag hayaan ang isang pangkat sa inyong kalalakihan ay mangutya sa ibang pangkat. Maaaring ang huli ay higit na mainam kaysa sa una at huwag din namang hayaan na ang ilan sa inyong kababaihan ay mangutya sa ibang kababaihan, maaaring ang huli ay higit na mainam kaysa sa una. Gayundin naman, huwag ninyong siraan ang bawat isa, at gayundin, huwag ninyong tawagin ang bawat isa sa nakakasakit na mga palayaw. Tunay namang masama na inyong hiyain ang isang kapatid matapos na siya ay magkaroon ng Pananampalataya (alalaong baga, ang tawagin ang inyong Muslim na kapatid na naging isang matapat na mananampalataya ng: “o makasalanan, o o buktot”, atbp.). At kung sinuman ang hindi magsisi, katotohanang sila ang Zalimun (mga gumagawa ng kamalian, buktot, buhong, atbp)
١٢.o kayong sumasampalataya! Inyong iwasan ang maraming pagdududa, katiyakang ang ilang pagdududa (sa ilang katatayuan) ay mga kasalanan. At huwag kayong manubok, gayundin huwag kayong magpamalas ng panlalait sa bawat isa sa talikuran. Mayroon bang isa sa inyo ang ibig na kumain ng laman ng patay niyang kapatid? Tunay ngang kasusuklaman ninyo ito (kaya’t kamuhian ninyo ang panlalait sa talikuran), datapuwa’t inyong pangambahan si Allah, katotohanang si Allah ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain
١٣.o sangkatauhan! Aming nilikha kayo mula sa isang pares ng lalaki at babae, at Aming ginawa kayo sa maraming bansa [pamayanan] at mga tribo upang mangakilala ninyo ang isa’t isa (hindi upang kasuklaman ninyo ang isa’t isa). Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ni Allah ay (yaong sumasampalataya) na may At-Taqwa (siya na pinakamatuwid sa kabutihan, isa sa Muttaqun, alalaong baga, mga matimtiman at mabuting tao na labis na nangangamba kay Allah at umiiwas sa lahat ng mga kasalanan at masasamang gawa na Kanyang ipinagbawal at nagmamahal kay Allah ng higit at nagsasagawa ng lahat ng uri ng kabutihan na Kanyang ipinag-utos). Katotohanang si Allah ay Tigib ng Kaalaman at Lubos na Nakakabatid ng lahat ng bagay
١٤.Ang mga Bedouin (mga Arabong nananahan sa disyerto) ay nagsasabi: “Kami ay sumasampalataya.” Ipagbadya: “Kayo ay hindi sumasampalataya, bagkus ay nagsasabi lamang” ng: “Kami ay nagsuko ng aming kalooban kay Allah (sa Islam)”, sapagkat hindi pa pumasok ang pananampalataya sa inyong puso. Datapuwa’t kung inyong susundin si Allah at ang Kanyang Tagapagbalita, hindi Niya mamaliitin ang inyong mga gawa at babawasan ang inyong gantimpala. Katotohanang si Allah ay Malimit na Nagpapatawad, ang Pinakamaawain