عبداللطيف ادواردو آرسئو · Filipino

١.Ang lahat ng pagluwalhati at pasasalamat ay kay Allah, tanging Siya ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. Sa Kanya ang pagpaparangal at pasasalamat sa Kabilang Buhay; at Siya ay Puspos ng Karunungan, ang Tigib ng Kaalaman
٣.Ang mga hindi sumasampalataya ay nagsasabi: “Hindi kailanman sasapit sa amin ang Oras”. Ipagbadya: “Hindi! walang pagsala, sa pamamagitan ng aking Panginoon, ito ay daratal sa inyo.” (Si Allah), Siya ang Ganap na Nakakaalam ng nalilingid; maging ang timbang ng isang atomo (o isang maliit na langgam) o anumang bagay na maliit pa rito o malaki, sa kalangitan at kalupaan, ay hindi makakahulagpos sa Kanyang Karunungan (ang lahat), bagkus ay nasa loob ng isang Maliwanag na Talaan (Al-Lauh-Al-Mahfuz)
١٢.At kay Solomon, (Aming ipinailalim) ang hangin na maging masunurin sa kanya; ang kanyang umaga (na ang malalaking hakbang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa tanghali) ay katumbas ng isang buwan (na paglalakbay); at ang kanyang gabi (na ang malalaking hakbang mula sa tanghali hanggang sa pagkiling ng araw sa takipsilim) ay katumbas ng isang buwan (na paglalakbay, alalaong baga, sa isang araw, siya ay makakapaglakbay ng katumbas ng dalawang buwang paglalakbay). At hinayaan Namin na ang Bukal ng (tunaw) na tanso ay umagos sa kanya, at mayroong mga Jinn na nagtatrabaho sa harapan niya, mula sa pahintulot ng kanyang Panginoon, at sinuman sa kanila ang sumuway sa Aming Pag-uutos, Aming hahayaan na malasap niya ang kaparusahan ng naglalagablab na Apoy
٣١.At sila na hindi sumasampalataya ay nagsasabi: “Kami ay hindi naniniwala sa Qur’an o sa anumang kasulatan na una pa rito.” Datapuwa’t kung inyong mapagmamasdan ang Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa mga diyus- diyosan, mapaggawa ng kamalian, buktot, atbp.), kung sila ay haharap na sa kanilang Panginoon, kung paano sila magpapalitan ng salita (na nagsisisihan) sa isa’t isa! Sila na itinuturing na mahihina ay magsasabi sa kanila na mga palalo: “Kung hindi dahil sa inyo, sana ay naging mananampalataya kami!”
٣٣.Sila na inaakalang mahihina ay magsasabi sa kanila na mga palalo: “Hindi! Datapuwa’t ito ang inyong pakana sa gabi at araw. Pagmasdan! Kayo (ang patuloy) na nag-uudyok sa amin na mawalan ng pananalig at utang na loob ng pasasalamat kay Allah at magtambal ng iba pa sa Kanya!” At ang bawat isa (sa kanilang pangkat) ay mapupuspos ng pagsisisi (sa kanilang pagsuway kay Allah sa buhay sa mundong ito), kung kanilang mamalas ang kaparusahan. Magpupulupot Kami ng kadenang bakal sa leeg ng mga hindi sumasampalataya. Ito ay kabayaran lamang sa kanilang (masasamang) gawa
٤٣.At kung ang Aming Maliliwanag na mga Talata ay dinadalit sa kanila, sila ay nagsasabi: “Siya (Muhammad) ay isa lamang tao na nagnanais na hadlangan kayo (sa pagsamba) sa kinagisnan ng inyong mga ninuno.” At sila ay nagsasabi: “Ito ay isa lamang kasinungalingan na kinatha!” At ang mga hindi sumasampalataya ay nagsasabi (laban) sa Katotohanan nang ito ay dumatal sa kanila (alalaong baga, si Propeta Muhammad na isinugo ni Allah sa kanila na may dalang mga katibayan, kapahayagan, tanda, aral, atbp.): “Ito ay wala ng iba maliban sa maliwanag na panlilinlang (o mahika)!”