عبداللطيف ادواردو آرسئو · Filipino

١.o sangkatauhan! Pangambahan ninyo ang inyong Panginoon at maging masunurin sa Kanya! Katotohanan, ang lindol sa oras (ng Paghuhukom) ay isang kasindak- sindak na bagay
٥.O sangkatauhan! Kung kayo ay nag-aalinlangan tungkol sa Muling Pagkabuhay, kung gayon, katotohanang Aming nilikha kayo (tulad ni Adan) mula sa alabok, at mula sa Nutfah (magkahalong semilya ng lalaki at babae), at mula sa kimpal (isang makapal na piraso ng namuong dugo), at sa maliit na tambok ng laman, ang iba ay nagkahubog at ang iba ay hindi nahubog (nakunan o nalaglag sa pagdadalang- tao), upang magawa Namin (ito) na maliwanag sa inyo (alalaong baga, ang maipamalas ang Aming kapangyarihan at kakayahan na magawa ang anumang Aming maibigan). At pinahihintulutan Namin ang sinumang Aming maibigan na manatili sa loob ng sinapupunan (ng babae) sa isang natatakdaang panahon, at Aming iniluwal kayo bilang mga sanggol, (at binigyan kayo ng kakayahang lumaki) upang inyong sapitin ang gulang ng may hustong lakas. At sa lipon ninyo ay mayroong namamatay (na bata pa), at sa lipon ninyo ay mayroong nagbabalik sa mahirap na katandaan, kaya’t wala siyang natatandaan matapos na kanyang maalaman ([noon], o nagiging ulyanin o isip-bata). At namamasdan ninyo ang kalupaan na tuyot, datapuwa’t nang Aming pamalibisbisin ang tubig (ulan) sa mga ito, ito ay naantig sa pagkabuhay, ito ay nanariwa at tumubo rito ang lahat ng uri ng kaakit-akit na pagtubo
٢٥.Katotohanan, sila na mga hindi sumasampalataya at humahadlang (sa mga tao) tungo sa Landas ni Allah, at sa Masjid Al Haram (sa Makkah) na ginawa Naming bukas sa (lahat) ng mga tao, at sa naninirahan dito at sa panauhin mula sa bansa ay magkapantay dito (kung tungkol sa kabanalan ng Hajj at Umra). At sinumang kumiling sa gawang masama rito o gumawa ng kamalian (alalaong baga, ang sumamba sa mga diyus-diyosan at talikuran ang Islam at Kaisahan ni Allah), ay hahayaan Naming lasapin niya ang masakit na kaparusahan
٢٦.At (alalahanin) nang Aming ipamalas kay Abraham ang lugar (ng Banal) na Tahanan (ang Ka’ba sa Makkah) na (nagsasabi): “Huwag kayong magtambal ng anupaman sa pagsamba sa Akin, [La ilaha ill Allah] (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban kay Allah), at pakabanalin ninyo ang Aking Tahanan tungo sa kanila na mga nagsisiikot dito, at sa mga nagsisitindig sa pagdalangin, at sa mga yumuyukod (sa kapakumbabaan at pagtalima), at nagpapatirapa (sa pagdalangin, atbp.).”
٢٨.Upang kanilang mamalas ang mga bagay na may kapakinabangan sa kanila (alalaong baga, ang gantimpala ng Hajj sa Kabilang Buhay, gayundin sa ilang makamundong pakinabang tulad ng pagtitinda, kalakal, atbp.), at banggitin ang pangalan ni Allah sa mga itinakdang araw (alalaong baga, sa ika 10, 11, 12, 13 ng Dhul Hijja), sa ibabaw (o harapan) ng mga hayop na Kanyang ipinagkaloob sa kanila (para sa sakripisyo), sa oras nang kanilang pagkatay na nagsasabi: (Bismillah, wallahu Akbar, Allahumma Minka wa Ilaik). At magsikain kayo rito at pakainin ang mga mahihirap na naghihikahos
٣٤.At sa bawat bansa, Kami ay nagtalaga ng panrelihiyong mga seremonya, upang kanilang mabanggit ang Pangalan ni Allah sa ibabaw (o harapan) ng mga hayop na Kanyang ipinagkaloob sa kanila bilang pagkain. At ang inyong Ilah (Diyos) ay Isang Ilah (Diyos, si Allah), kaya’t sa Kanya lamang kayo sumuko (sa Islam). At ikaw (o Muhammad), ay magpahayag ng magandang balita sa Mukhbitin (yaong mga sumusunod kay Allah ng may kapakumbabaan at may mabababang loob sa gitna ng mga sumasampalataya sa Islam at sa Kaisahan ni Allah)
٣٦.At sa Budn (mga baka, kamelyo, o tupa na dala bilang pang-alay na sakripisyo ng mga nagpipilgrimahe sa Santuwaryo ng Makkah). Ginawa Namin sa inyo bilang (isa) sa mga Tanda ni Allah, dito kayo ay may higit na kapakinabangan. Kaya’t banggitin ninyo ang Pangalan ni Allah kung sila ay ilabas na at ihanay (upang isakripisyo). Kaya’t kung sila ay maitumba na ninyo (matapos ang pagkatay), kayo ay magsikain dito, at pakainin ninyo ang mga pulubi na hindi nanghihingi (sa mga tao), at mga pulubi na namamalimos (sa mga tao). Kaya’t ginawa Namin na sila ay mapailalim sa inyo, upang kayo ay magkaroon ng damdamin ng pasasalamat
٤٠.Sila na mga itinaboy sa kanilang mga tahanan ng walang katarungan sapagkat sila ay nagtatanggol sa karapatan (at sa kadahilanan) na sila ay nagsasabi ng: “Ang aming Panginoon ay si Allah”. At kung hindi (sana) nilapatan ni Allah ang isang lipon ng mga tao sa pamamagitan ng iba, katotohanang dito ay igugupo ang mga monasteryo, mga simbahan, mga sinagoga, at mga moske, kung saan ang Ngalan ni Allah ay ginugunita nang masagana. Katotohanang si Allah ay tutulong sa mga tao na tumutulong sa Kanyang (Kapakanan). Katotohanang si Allah ang Ganap na Malakas, ang Lubos na Makapangyarihan
٤١.Sila (na mga Muslim na namumuno), na kung sila ay Aming pagkakalooban ng kapangyarihan sa kalupaan, (sila) ay nag-uutos sa Salah (palagiang pagdarasal nang mahinusay), at pagbabayad ng Zakah (takdang tulong na pangkawanggawa) at sila ay nag-aanyaya sa Al-Maruf (sa Kaisahan ni Allah at sa Islam at sa lahat ng ipinag-uutos nito) at nagbabawal sa Al-Munkar (paganismo, kawalan ng pananampalataya at lahat ng ipinagbabawal sa Islam). At kay Allah nakasalalay ang kahihinatnan ng (lahat) ng pangyayari (ng mga nilalang)
٦٧.Sa bawat bansa (pamayanan) ay itinakda Namin ang mga pangrelihiyong seremonya (alalaong baga, ang pagsasakripisyo ng hayop sa panahon ng Pilgrimahe sa tatlong araw nang pananatili sa Mina rito sa Makkah), na dapat nilang sundin, kaya’t huwag hayaan sila (mga pagano) na makipagtalo sa inyo sa mga bagay (na katulad nang pagkain ng inialay na hayop at hindi ng hayop na pinatay ni Allah sa natural na kamatayan), datapuwa’t inyong anyayahan sila sa inyong Panginoon. Katotohanan! Ikaw (O Muhammad) ay tunay na nasa Matuwid na Landas (alalaong baga, sa tunay na Relihiyon ng Islam at Kaisahan ni Allah)
٧٨.At magsikap nang taos tungo sa Kapakanan ni Allah, kung paano kayo dapat magsikap (ng may katapatan at ng lahat ninyong lakas upang ang Kanyang Ngalan ay maging Tampok). Kayo ay hinirang Niya (upang iparating ang Kanyang Mensahe ng Islam at Kanyang Kaisahan), at hindi Niya iginawad sa inyong relihiyon ang anumang pagbabata, ito ang relihiyon ng inyong amang si Abraham (ang pagiging Isa ni Allah sa Islam). Siya (Allah) ang nagbigay sa inyo ng katawagang Muslim, na magkatulad maging noon at maging ngayon (sa Qur’an), upang ang Tagapagbalita (na si Muhammad) ay maging saksi sa inyo at kayo ay maging mga saksi sa sangkatauhan! Kaya’t magsipag-alay kayo ng Salah (takdang panalangin) nang ganap at mahinusay, magkaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa) at manangan nang mahigpit kay Allah (alalaong baga, ng may pagtitiwala sa Kanya na ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang paghahawak). Siya ang inyong Maula (Patron, Panginoon, atbp.), at gaano (Siya) Kainam na Maula (Patron, Panginoon, atbp.), tunay na Siya ay Kapuri-puring Tagalingap